MANILA, Philippines — Umakyat na sa 75 katao ang nasawi habang nasa 500,000 indibiduwal ang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa matinding hagupit ng Bagyong Odette sa southern at central regions ng bansa.
Sa Bohol, sinabi ni Governor Arthur Yap sa kanyang Facebook page, nasa 63 na ang patay sa iba’t bayan tulad na sa Ubay, 12; Pres. Carlos P. Garcia, 5; Loon, 5; Inabanga, 4; Catigbian, 4; Buenavista, 4; Tubigon, 3; Alicia, 3; Antequera, 3; Maribojoc, 2; Batuan, 2; Getafe, 2;Trinidad, 2; Calape, 2; Jagna, 2; Valencia, 2; Panglao, 1; Pilar, 1; Talibon, 1; Loboc, 1; Candijay, 1 at Clarin,1. Mula lamang ito sa 33 LGUs.
Hindi pa makapagpadala ng report ang nasa 15 LGUs dahil na rin sa kawalan ng linya ng komunikasyon.
Umaapela naman si Yap ng donasyon ng 300 generator sets para sa water refilling stations ng 48 LGUs at nangangailangan ng supply ng malinis na tubig ang Bohol.
Ayon kay Anthony Damalerio ng Bohol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 32,390 pamilya ang nasa evacuation centers na inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga ito.
Aniya, ito ang kauna- unahang insidenteng nawasak ang Bohol dahil sa signal No. 4.
Patuloy pa rin ang search and rescue operations at pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Odette.