MANILA, Philippines — Nasa 181,500 pamilya na nakatira sa 2,209 mga barangay ang apektado ng pananalanta ng bagyong Odette.
Ito ang inanunsyo kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa Mimaropa, Regions 5 (Bicol), 6 (Western Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), 11 (Davao), 12 (Soccsksargen), 13 (Caraga), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga naturang barangay.
Dagdag nito, nananatili ang 107,816 pamilya o 427,903 indibidwal sa 2,861 evacuation centers habang ang iba naman ay nanunuluyan sa mga kamag-anak o kaibigan.
Sinabi pa ng NDRRMC na 135 lugar sa Mimaropa, Regions 7, 8, 10, at BARMM ang nakararanas ng problema sa linya ng komunikasyon.
Nag-iwan ang “Odette” ng 3,612 partially damaged at 171 totally damaged na mga tahanan sa Mimaropa, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga, at BARMM.