27 patay sa bagyong Odette
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 27 katao ang nasasawi sa pananalasa ng bagyong Odette sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Batay sa ulat, 20 ang patay sa Metro Cebu bunsod ng malakas na hanging humampas sa mga puno at mga kabahayan na kung saan ay winasak din ang ilang establisimyento.
Apat naman ang naitalang patay sa Western Visayas na kinilalang sina Rosalyn Gustilo, 54, ng Barangay Sambag, Jaro, Iloilo City matapos madaganan ng puno ng kawayan ang kanilang bahay.
Namatay din ang mag-asawang Virginia Palencia, 62, at ang mister naman nito ay si Rodolfo Castro, 76 mula sa Barangay Ravina Sur, Sibunag, Guimaras.
Una nang naitala ng Philippine Command Center, ang pagkamatay ng isang 14-anyos na batang lalaki nang mabagsakan ng puno sa Brgy. Dao, San Fernando, Bukidnon gayundin si Nestor Virtudazo Salvana, 55 ng Purok, Brgy. Mosangot, Binuagan, Misamis Oriental.
Sa Iloilo sinabi naman ni Mayor Jerry Trenas na isa ang naitalang nasawi.
Tinatayang nasa 198,417 evacuees naman ang inilikas sa iba’t ibang local government units sa 8,000 mga evacuation centers bilang bahagi ng preemptive evacuation.
Nasa 152 lugar naman ang sinasabing binaha sa Eastern at Central Visayas at Northern Mindanao.
Nasa 492 ang nawalan ng communication signal at 154 lugar ang nawalan ng supply ng kuryente.
Umaabot naman sa 14,000 pulis ang pinakilos sa mga apektadong lugar partikular ang mga may alam sa search and rescue.
- Latest