MANILA, Philippines — Winasak ng bagyong Odette ang Siargao airport terminal habang na-trap naman sina Surigao del Norte Gov. Francisco “Lalo” Matugas at dating Gov. Sol Matugas sa pagbisita sa evacuation center sa paghagupit ng bagyo sa Caraga Region.
Ito ang inihayag kahapon ni 1st District Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas III na matindi ang naging pinsala sa pagtama ng bagyong Odette sa Siargao base na rin sa impormasyong ibinigay ni Richard Alas, Airport Officer-in-Charge. Ang Siargao ay isang popular na destinasyon ng mga turista sa CARAGA Region na dinarayo ng mga surfers.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa Kongresista ay wala pang update sa mga casualty sa matinding hagupit ng nasabing bagyo.
Nalinis na rin sa mga debris o basura ang nasabing paliparan para makapag-landing ang mga eroplano at choppers na may mga dalang relief goods.
Aabot naman sa 170,000 katao ang naapektuhan sa pagtama ng bagyong Odette sa lungsod ng Surigao City bunsod upang maraming bahay ang natanggalan ng bubungan habang naharang ng mga nabuwal na punong kahoy ang pangunahing daan.