MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang pagpasok ng COVID-19 B.1.1.529 variant na tinawag na “Omicron”, pansamantalang ipinatupad ng pamahalaan ang travel ban o suspension ng biyahe papasok ng Pilipinas mula South Africa, Botswana at iba pang mga bansa kamakalawa ng gabi.
Ito ay makaraang mapagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) matapos na makitaan ang nasabing mga bansa ng bagong variant ng COVID-19, ayon kay Cabinet Secretary at presidential spokesperson Karlo Nograles.
Base sa inilabas na regulasyon ng IATF, epektibo agad ang pagpapatupad ng travel ban na tatagal hanggang Disyembre 15, 2021.
“IATF] approved on Friday, November 26, 2021, the temporary suspension of inbound international flights from South Africa, Botswana, and other countries with local cases or with the likelihood of occurrences of the B.1.1.1529 variant. This shall take effective immediately and until 15 December 2021,” ani Nograles.
Ang iba pang bansa na kasama sa temporary ban ay ang mga karatig ng South Africa at Botswana katulad ng Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.
Ayon kay Nograles, inatasan na ang Bureau of Quarantine na tukuyin kung nasaan ang mga biyahero mula sa mga nabanggit na bansa na posibleng dumating sa Pilipinas sa nakaraang pitong araw bago ang suspensyon.
Ang mga matutukoy na biyahero ay isasailalim sa 14-araw na facility-based quarantine at RT-PCR test sa ika-pitong araw.