Marcos, Pacquiao negatibo sa drug test

Ibinigay na umano ni Marcos ang kopya ng resulta niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
File

MANILA, Philippines — Negatibo ang resulta ng drug test ni dating Senador at ngayon ay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Marcos matapos siyang sumailalim sa drug test kamakalawa sa isang ospital sa Metro Manila.

Ibinigay na umano ni Marcos ang kopya ng resulta niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa kaniya, nagdesisyon siyang sumailalim sa drug test makaraang magpasaring si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na mayroon umanong isang presidential candidate na gumagamit ng cocaine.

Inilabas na rin ni presidential aspirant na si Senador Manny Pacquiao, ang resulta ng kanyang drug test na isinagawa noong Hulyo at Setyembre sa Estados Unidos bago ang pinakahui niyang laban sa boxing nitong nagdaang Setyembre.

Nakasaad sa resulta na negatibo si Pacquiao sa Performance Enhan­cing Drugs base sa sertipikasyon ng voluntary anti-doping association na may petsang Hulyo 28, 2021 at Setyembre 8, 2021.

Sakop ng pagsusuri ang mahabang listahan ng performance enhancing drugs tulad ng steroids at mga stimulants na cocaine at methaphetamine na ipinagbabawal ng World Boxing Council.

Nakatakda naman umanong magpa-hair follicle test si Pacquiao na isa rin uri ng drug test ,subalit gusto umano niya itong gawin sa isang laboratoryo na mabilis na makapagpapalabas ng resulta.

Show comments