MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) ang anim katao na gumagawa umano ng pekeng COVID-19 vaccination card matapos salakayin ang isang establisimyento sa C.M. Recto, Manila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Geraldine Vargas, 51 ng Dagupan St., Tondo, Camille Cressida Halili, 34 ng Batanes St. Sampaloc, Maynila; Janneth Viernes, 42 ng D. Aquino St. 4th Avenue, Caloocan City; Gengen Subito, 34 ng Oroquieta St. Sta Cruz, Maynila; Nikko Molina, 18, ng Pasillo I Central Market, Sta. Cruz, Manila at Ronaldo Benitez, 31, ng Int. 2 Brgy. 310 Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr. isinagawa ang raid sa isang establisimyento sa C.M. Recto Ave. ng mga operatiba ng DSOU nang makatanggap si DSOU chief P/Lt. Col Jay Dimaandal ng isang tip mula sa kanilang confidential informant na ang mga suspek ay nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccination cards ng Caloocan and Valenzuela City.
Dakong alas- 6:30 kamakalawa ng gabi, isang pulis ang nagsilbing poseur-buyer ang nagawang makakuha ng isang pekeng health vaccination card ng Caloocan City kapalit ng P1,800.00 marked money na naging dahilan upang agad lusubin ng mga operatiba ang naturang establisimyento na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa naturang establisimyento ang ilang health vaccination cards ng Caloocan at Valenzuela Cities, fake Covid-19 antigen test results, fake vaccine receipts, gamit sa pagproseso ng mga pekeng dokumento, marked money na ginamit sa entrapment operation at P2,300.00 cash.
Kasong paglabag sa Art. 172 of Revised Penal Code in relation to Rule XI Section 1 paragraph B of Implementing Rules and Regulation of RA No. 11332 o alleged fake vaccination cards ang isinampa sa mga suspek.