MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang tinalakay sa House Committee on Health na nag-uutos sa mga food service establishments o restoran ang pagpapakita ng mga nutritional information na tinataglay ng kanilang mga tindang pagkain.
Ang panukala ay naglalayong maiwasan ang obesity o ang kondisyon kung saan sobra ang taba sa katawan ng isang tao at ang pagkain ng nakasasama sa kalusugan ay dininig sa pangunguna ni Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan. Sinabi ni Tan na Chairperson ng Committee on Health na ang mga panukalang ipakita ang calorie at nutritional information ay tumutugon sa pangangailangan para sa komprehensibong paraan upang tiyakin na ang lahat ng Pilipino ay maalam ukol sa kanilang kalusugan at nabibigyan ng malusog na pamumuhay sang-ayon sa pagbibigay ng Kalusugang Pangkalahatan o Universal Health Care.
Binigyang diin sa pagdinig ang kahalagahan ng pagpapakita ng mga nutritional information na tinataglay ng mga tindang pagkain na inaasahang magbibigay ng mas matalino at malusog na food choices sa publiko at magsusulong ng kaalaman ukol sa kalusugan at tamang pagbabawas ng timbang.
Ito rin ay makakatulong sa mga mamimili sa pag-monitor ng kanilang diyeta o pagtugon sa kanilang chronic diseases tulad ng sakit sa puso at diabetes.