MANILA, Philippines — Tatlong bilang ng kasong murder at frustrated murder ang isinampa sa pangunahing suspek na si Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” matapos sumentro ang mga nakuhang ebidensya at testimonya ng mga testigo laban sa kanyang pagdukot at pagpatay sa tatlong kandidato ng Donsol, Sorsogon na natagpuang patay sa Purok 6, Brgy. Busay ng bayang ito noong Biyernes.
Ayon kay Lt.Col. Bogard Arao, hepe ng Daraga Police mismong ang prosekusyon ang nagsabi na malakas ang kasong isinampa laban kay Advincula na nakakulong ngayon sa himpilan at walang inirekomendang piyansa para sa kanya.
Tig-iisang tama ng bala sa ulo mula sa Kalibre 9mm na baril ang ikinasawi nina Councilor Helen Garay, na kumakandidatong bise-alkalde at ang mga negosyanteng kumakandidato namang konsehal na sina Karren Averilla at Xavier Mirasol. Nakaligtas sa pandudukot at ngayo’y testigo si Lalaine Herrera Amor.
Ayon kay Lt. Col. Arao, personal na galit ang naging motibo ni Advincula sa pamamaslang dahil hindi umano ito pinautang ni Garay sa malaking halagang hinihiram nito dahil sa masamang impresyon na hindi marunong magbayad.
Maliban dito ay nagalit pa ang suspek sa tatlo dahil hindi ito pinaunlakang sumapi sa partidong-UNA ng mga biktima kung saan ang asawa ni Advincula ay kumakandidatong alkalde ng Donsol.- Doris Franche