MANILA, Philippines — Nilinaw ng Philipine Ports Authority (PPA) na hindi na bago ang requirement na pagkuha ng Certificate of Accreditation (CA) at Permit to Operate (PTO) sa mga trucker.
Ito ang nilinaw ng PPA dahil sa pagtanggi ng ilang trucker na sumunod sa ipinapatupad na “No Permit, No Service” policy sa mga pantalan sa bansa simula pa noong Nobyembre 1, 2021.
Base sa PPA Memorandum Circular (MC) 19-2021, kailangang magkaroon ng truckers ng CA at PTO para makapag-transaksyon sa port terminals, subalit may ilang trucker ang hindi nakakasunod sa nasabing requirement noon at pinaraya lamang, subalit nagdulot ito ng sari-saring problema sa mga port terminal, partikular na sa operasyon ng kolorum na mga trucks.
Kaya iginiit ng PPA na noong Hulyo 2021 pa lamang ay inabisuhan na ang trucking operators ng ahensiya, port terminal operators, Asian Terminals, Inc. (ATI) at International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) na hindi papayagang makapag-operate sa Port of Manila ang walang valid CA at PTO simula sa October 16, 2021.
Subalit noong Oktubre 14, 2021 matapos ang talakayan ng mga representante ng ilang trucking operators ay pinalawig ng PPA ang deadline hanggang October 31, 2021.
Bukod pa dito, nag- alok din umano ang PPA ng hanggang 50% diskwento sa bayad sa permit kapag nagrehistro ang trucking operator ng hanggang sa tatlong taon na validity.
Base sa datos hanggang Oktubre 31 ay 75% ng lahat ng trucking operators sa Port of Manila ang nakasunod na sa accreditation at permit requirements.