Bagon ng MRT-3 nasunog: 8 pasahero nasugatan

Sinabi ng pamunuan ng MRT-3, alas-9:12 ng gabi nang maganap ang sunog at nagtamo ng minor injuries ang walong pasahero matapos na tu­malon sa riles ng tren para makaiwas sa apoy.
The STAR/Boy Santos, file

MANILA, Philippines — Nasugatan ang walong pasahero, na kinabibilangan ng apat na babae at apat na lalaki, nang sumiklab ang apoy sa isang bumibiyaheng bagon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa pagitan ng Buendia Station at Guadalupe station, sa EDSA, bahagi ng Makati City kamakalawa ng gabi.

Sinabi ng pamunuan ng MRT-3, alas-9:12 ng gabi nang maganap ang sunog at nagtamo ng minor injuries ang walong pasahero matapos na tu­malon sa riles ng tren para makaiwas sa apoy.

Matapos ang insidente ay nagpatupad na ng provisional service o limitadong biyahe ang MRT- 3 mula North Ave­nue station hanggang Shaw Boulevard station na lamang.

Naibalik na lamang sa normal ang biyahe ng mga tren ng MRT-3 nitong kahapon ng umaga.

Naglabas na rin ng pahayag ang Sumitomo Corporation, na siyang maintenance provider ng MRT-3, na masusi na nilang iniimbestigahan ang pangyayari upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.

Show comments