COVID-19 vax para sa minors at general public umpisa na sa October
MANILA, Philippines — Aprub na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna ng lahat ng mamamayan sa buong bansa kabilang ang mga menor de edad laban sa COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, inaasahan ang pagdating ng maraming bakuna sa bansa sa mga susunod na linggo na naging basehan ng desisyon ng Pangulo.
“Äng good news, inaprubahan na ni Presidente ang pagbabakuna ng general population simula po sa buwan ng Oktubre,” ani Roque.
Sinabi rin ni Roque na hinihikayat na ang mga magulang ng mga kabataan na ipalista ang kanilang mga anak.
“Ating hinihikayat ngayon ay magpa-masterlisting na po ang mga magulang ng mga kabataan para mapalista na yung mga kabataan pag nagsimula na po tayo…Inaasahan natin na magsisimula rin tayo sa buwan ng Oktubre, aprubado na rin po iyan ng ating Presidente,” ani Roque.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ni Duterte na iniulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na makakakuha ang bansa ng nasa 100 milyon doses ng bakuna sa katapusan ng Oktubre kaya palalawakin ang pagbabakuna sa general population kasama ang mga kabataan.
Maraming siyudad na rin aniya lalo na sa Metro Manila, Baguio, Cebu, Iloilo, at Davao ang lumampas na sa 50% ng target population ang nabakunahan.
Matatandaan na binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization ang Moderna at Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Maging ang Sinovac ay nag-aplay na rin sa FDA para mabigyan ng EUA para magamit ang bakuna sa mga kabataan.
Related video:
- Latest