8 madre sa kumbento patay sa COVID-19

Ang nasabing mga madre ay mula sa Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters sa Quezon City na pawang nasa edad na 80 hanggang 90 taong gulang at kabilang sa 62 madre na nagpositibo.
Image by Gerd Altmann via Pixabay

MANILA, Philippines — Walong madre mula sa Congregation of the Religious of the Virgin Mary o RVM Sisters ang nasawi matapos magpositibo sa COVID-19.

Ang nasabing mga madre ay mula sa Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters sa Quezon City na pawang nasa edad na 80 hanggang 90 taong gulang at kabilang sa 62 madre na nagpositibo.

Ayon kay RVM Sister Ma. Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon na maliban sa mga madre ay kabilang din sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 52 personnel ng kumbento.

“The personnel are still young so they are on the road to recovery. Some Sisters are mo­ving from symptomatic to asymptomatic. Eight of the Sisters, aged 90s and 80s, afflicted with COVID returned home to our heavenly Father,” pahayag ni Sr. Co.

Nilinaw din ni Sr. Co ang mga naunang ulat na ang dahilan ng “outbreak” sa loob ng kumbento ay sanhi ng hindi pa pagpapabakuna ng mga RVM Sisters at mga personnel.

Ayon sa madre, walang katotohanan ang ulat sapagkat nito lamang Mayo at Hunyo ay isinagawa ang unang batch ng bakuna sa mga RVM sisters at sinundan din ito ng ikalawang batch nitong Hulyo.

Giit ni Sr. Co, ang walong madre na nasawi ay hindi nabakunahan kundi nakaratay na rin sa banig ng karamdaman.

Gayunman, patuloy na humihiling ng panalangin ang mga apektadong RVM sisters para sa tuluyang kaligtasan at paggaling laban sa virus.

Gayundin nawa’y pagkalooban ng kalakasan at maayos na kalusugan ang mga nag negatibong madre upang mapaglingkuran nang maayos ang mga higit na apektado.

“Please pray for us especially our Sisters in St. Joseph Home. May our Sisters come to full recovery. May God grant strength to our other Sisters in the communities in the compound strength to continue serving the affected community,” saad ni Sr. Co.

Nanawagan din sa publiko na sa panahon ng kanilang nararanasan ay huwag sanang magsamantala ang ilan na ginagamit ang kongregasyon sa paghingi ng financial aid. - Danilo Garcia

Show comments