MANILA, Philippines — Pinagbibitiw ni Datu Rico Maca, Municipal Indigenous People (IP) Mandatory Representative ng San Miguel, Surigao del Sur si Bayan Partylist Rep. Eufenia Cullamat at mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso dahil sa kabiguang isulong ang kapakanan ng mga tribu ng Indigenous People (IP).
Sa virtual balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni Maca na bagama’t nabibilang si Cullamat sa IP na Manobo Tribe, tinalikuran nito ang kanyang pangako at sa halip ay nakikipagsabwatan sa Makabayan Bloc sa mga pagpaslang sa mga lider ng mga tribu na sumasalungat sa mga agenda ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sinabi ni Maca na walang plano para sa kapayapaan si Cullamat gayundin sa mga kabataan na taliwas sa pangako nito na magiging boses ng tribu sa Kongreso. Ginagamit lamang nito ang posisyon para lamang sa pansariling interes at kapakanan ng komunistang-teroristang samahan.
Kaya’t nagpasa ng 126 resolusyon ang kanilang mga tribu na kasapi sa Indigenous Cultural Communities/Indigenous People (ICCs/IPs) at idineklarang ‘persona non grata’ na si Cullamat sa kanilang mga ancestral lands.
Samantala, dahil sa mga ganitong pahayag, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP), Maj. Gen. Romeo S. Brawner Jr., commander ng Army’s 4th Infantry Division (4ID), na nauubos na ang suporta na nakukuha ng CPP-NPA-NDF sa mga kanayunan at malalayong barangay ng mga IP lalo na sa mga lugar ng Northern Mindanao at Caraga Region.