Pagbubukas ng klase simula na ngayon
MANILA, Philippines — Ngayong Lunes ang simula ng klase para sa School Year 2021-2022.
Kaya’t pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang publiko na huwag kaligtaang ipa-enroll ang kanilang mga anak upang makapag-aral ang mga ito kahit pa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Nabatid na pangungunahan ni DepEd Secretary Leonor Briones ang National School Opening Day program upang pormal na ideklara ang pagbubukas ng klase, na may temang “OBE 2021: Bayanihan para sa Ligtas na Balik Eskwela.”
Inaasahan namang magbibigay rin si Pang. Rodrigo Duterte ng kanyang mensahe para sa mga guro at mga mag-aaral.
Batay sa pinakahuling datos na ipinalabas ng DepEd nitong Setyembre 10, nabatid na umaabot na sa halos 22 milyon ang mga estudyante na nagpatala para sa SY 21-22.
Kabilang anila rito ang mga nagpatala sa public at private schools, gayundin sa mga state at local universities and colleges (SUCs at LUCs), at ang mga nagpatala noong panahon ng early registration noong Abril at Mayo.
Ang registration period para sa SY 21-22 ay sinimulan noong Agosto 16, 2021 at nakatakdang magtapos ngayong araw, maliban na lamang kung magdesisyon ang DepEd na palawigin pa ito.
Ayon sa DepEd, mananatili pa rin namang blended learning ang gagamiting sistema sa pag-aaral ng mga estudyante dahil patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagdaraos ng face-to-face classes dahil sa pandemya.
- Latest