Higit 21 milyong mag-aaral nakapag-enroll na sa SY 2021-2022
MANILA, Philippines — Umaabot na sa kabuuang 21,034,472 estudyante ang nakapag-enroll na sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa para sa School Year 2021-2022.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ito ay 80.2% ng kabuuang bilang ng mga estudyante mula Kinder hanggang Grade 12 na nagpatala noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling datos ng DepEd, nabatid na 15,320,766 sa mga naturang enrollees ang nagpatala sa mga pampublikong paaralan; 1,132,632 sa mga pribadong paaralan; 23,747 naman sa mga state at local universities and colleges (SUCs/LUCs) habang 4,557,327 naman ang nagpa-enroll sa early registration na isinagawa ng DepEd noong mga buwan ng Abril at Mayo.
Nabatid na ang rehiyon na may pinakamaraming enrollees ay ang Region 4A (Calabarzon) na may 2,905,646; kasunod ang Region 3 (Central Luzon) na may 2,167,516; at National Capital Region (NCR) na may 1,993,601.
Para naman sa Alternative Learning System (ALS), iniulat ng DepEd na mayroon na silang 184,382 enrollees o 30.76% ng mga estudyanteng nagpa-enroll noong nakaraang school year.
Ang enrollment period para sa School Year 2021-2022 ay sinimulan noong Agosto 16, 2021 at nakatakda itong magtapos sa Setyembre 13, 2021, na siya ring unang araw nang pagsisimula ng pasukan.
- Latest