MANILA, Philippines — Tinatayang P311 milyong halaga para sa Special Risk Allowance (SRA) sa mga health workers ang nai-download ng Department of Health (DOH) sa mga Centers for Health Development (CHDs).
Ayon sa DOH, mabebenepisyuhan nito ang nasa 20,208 healthcare workers na naghihintay pa sa naturang benepisyo.
Ngunit para tuluyang matanggap, kailangan pang sumailalim sa ilang proseso.
Kailangan munang mai-release ito ng mga CHDs sa kaukulang mga lokal na pamahalaan at sa pribadong health facilities bago matanggap ng healthcare worker na benepisyaryo.
Ang P311 milyon ang unang batch ng ‘fund transfers’ para sa pagbibigay ng SRA sa mga pagamutan at health facilities na nagsumite ng pahabol na listahan ng mga kuwalipikadong healthcare workers.
“Nakikiusap po kami na ang mga ospital at health facilities ay makipagtulungan sa kani-kanilang mga CHD upang makapag-submit ng kanilang mga requirements. Ang ating Centers for Health Development naman ay handa pong gabayan kayo. Magtulungan po tayo dito,” wika ni Administration and Financial Management Head Undersecretary of Health Leopoldo Vega.