MANILA, Philippines — Nagkaroon ng mahabang bitak ang Topaz Road sa Brgy. San Antonio, Ortigas Center sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Pasig City Disaster and Risk Response, nabatid na alas-6:00 ng gabi, matapos ang malakas na pag-ulan, nang maipagbigay-alam sa kanila ang biglang pagbitak ng kalsada sa Topaz Road.
Ang naturang bitak ay may haba umanong hanggang 70 metro at matatagpuan sa pagitan ng isang condominium building at isang construction site.
Kaagad namang rumesponde ang mga otoridad at kinordonan ang lugar at nilagyan ng malaking tarpaulin at mga early warning cones upang maiwasan ang anumang aksidente.
Ayon naman kay Philippine Institutue of Volcanology and Siesmology (Phivolcs) Renato Solidum na hindi dulot ng faultline ang malaking bitak ng lupa dahil walang faultline sa lugar.
Maaari anyang ang malaking bitak ay dulot ng pagguho ng lupa dahilan ng malakas na pag-ulan o maaaring may isinagawang excavation work malapit sa naturang lugar. - Angie dela Cruz