MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng isang ‘distance learning system’ sa Albay na nakabase sa radio broadcasting na lubhang na kailangan at malaki ang maitutulong dahilan sa banta ng panganib dulot ng pandemya ng COVID-19.
Ito ay matapos na ilunsad kamakalawa ng The Albay Youth Organizations Inc . (TAYO), Department of Education (DepED) at United States Agency for International Development (USAID) ang ‘2D Module Legends-2D On-Air Learing Project’.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, ang nasabing proyekto ay magkatulong na isinusulong ng mga institusyong lokal, pambansa at internasyunal.
Sinusuportahan din ang proyektong Module Legends ng tanggapan ni Salceda na namahagi ng 1,500 ‘radio sets’ nang ilunsad ito kung saan nilagdaan ang isang ‘Memorandum of Agreement’ (MOA) kaugnay ng proyekto.
Nilalayon din ng proyektong Module Legends ang lumikha at mag-ere ng mga ‘broadcast learning modules’ sa pamamagitan ng mga lokal na himpilan ng radio na suportado ng Bicol University, DepEd Division Offices sa Albay at Legazpi City, at ng Youth Development Alliance (YDA).
Binigyang diin ni Salceda na mahalaga at kapaki-pakinabang ang naturang proyekto dahil nananatiling mabisa ang radyo bilang instrumento ng komunikasyon sa Albay.