Gen. De Leon pinag-iingat ang mga tauhan sa COVID-19
MANILA, Philippines — Matapos magpositibo sa COVID-19 ang 11 pulis sa Central Luzon noong nakaraang linggo ay muling pinaalalahanan ni PNP Region 3 Chief, Brig.Gen Valeriano De Leon ang kanyang mga tauhan na mag-ingat.
Agad na ipinag-utos ni Gen.De Leon, na mag-quarantine at mag-isolate muna ang mga nagpositibong pulis upang hindi makahawa ng iba.
“Nagbigay na rin tayo ng instruction na kapag may naramdaman sila na parang tinatrangkaso ay agad magpa-swab testing dahil ito ang sintomas ng Delta variant,” wika ni De Leon.
Natuwa naman si Gen.De Leon dahil ang anim sa kanyang mga pulis sa PRO-3 ay gumaling sa COVID-19 noong nakaraang linggo matapos ang puspusang gamutan.
Sa rekord ng PRO-3, may kabuuang 2,048 na pulis sa Central Luzon ang tinamaan ng virus na COVID-19 mula noong nakalipas na taon at sa nasabing bilang ay 1,942 sa kanila ang gumaling na.
Ipinag-utos din ni De Leon sa mga commanders na imonitor din ang kalusugan at economic status ng pamilya ng mga pulis na naka-isolate ngayon.
- Latest