OFWs ilibre sa vaccine card

MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng mas matindi pang paghihigpit ng mga bansa sa mga OFWs at mga turistang bumibiyahe sa kanilang teritoryo ay umapela si 2nd District Rizal Rep. Fidel Nograles sa pamahalaan na ilibre ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbabayad sa vaccination certificates.
Sinabi ni Nograles na sa Pilipinas ang International Certificate of Vaccination o Prophylaxis of the World Health Organization (WHO) ay iniisyu ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa mga outbound travelers bilang pruweba na ‘fully vaccinated’ laban sa COVID 19.
Ang nasabing certificate na nagsisilbing medical passport ay kilala rin bilang internasyonal na “Yellow Card” o Carte Jaune kung saan ang sinuman na nais makakuha nito ay kailangang magbayad ng P 370.00 . Ang P300 ay para sa documentary fee at ang P 70 ay para sa convenience fee.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs na ang Hong Kong na isa sa itinuturing na top 1 na destinasyon ay hindi kinikilala ang vaccination cards na iniisyu ng lokal na pamahalaan.
Sa advisory ng Department of Labor and Employment nitong nakalipas na buwan ang panuntunan para sa mga outbound travelers kabilang ang mga OFWs,ipinunto dito na habang naghahanda ang pamahalaan sa single portal sa vaccination records, ang BOQ muna ang mag-iisyu ng yellow cards.
- Latest