MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ni National Security Adviser at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Vice Chairman Hermogenes Esperon, Jr. na madidiskuwalipika at matatanggal sa listahan ng Commission on Elections (Comelec) ang Gabriela Partylist na lalahok sa eleksiyon dahil sa umano’y pagtanggap ng pondo mula sa ibang bansa.
Ayon kay Esperon, pabibilisin nila ang pagpapalabas ng resolusyon kung saan patutunayan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na tumanggap ng pera ang Gabriela mula sa ibang bansa na paglabag sa Saligang Batas.
Galing umano ang mga pondo sa Belgian government, Viva Salud VZW, isang Belgian NGO at sa iba pang European group.
Sa petisyon ng NTF-ELCAC, nilabag ng Gabriela ang Section 2, Paragraph 5, Article 9 (C) ng Philippine Constitution sa pagtanggap ng pinansiyal na tulong sa mga banyagang pamahalaan at non-government organizations (NGOs).
Nilabag din ng Gabriela ang Rule 32, Section 8 (D) ng Comelec Rules of Procedure na nag-aatas na ang pagtanggap ng mga banyagang pondo ay isang dahilan ng pagkakansela ng pagkakarehistro ng isang partido.
Iniulat naman ni Atty. Marlon Bosantog, taga-pagsalita ng NTF-ELCAC na may siyam silang witness sa petisyon para kanselahin din ang Kabataan Partylist.