MANILA, Philippines — Dahil sa kakapusan ng supply ng bakuna laban sa Covid-19, inihayag ng Department of Health (DOH) kahapon na hindi pa inirerekomenda ang pagbabakuna sa mga bata na kabilang sa 0-19 age group.
“Ang rekomendasyon po ng ating mga eksperto ay hindi muna bakunahan ang ating mga kabataan dahil ito po ay makakaapekto sa supply ng iba pang priority groups gaya ng ating senior citizens,” sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa kanilang datos, mas mababa pa sa isa ang “average death per day” dahil sa COVID-19 sa pediatric age group mula Hunyo hanggang Agosto 12 na siyang pinakamaliit umano sa lahat ng age groups.
Pinakamataas o pinakamarami pa rin umano na nasasawi ay mula sa age group na 60-taong gulang pataas kaya nananatili na sila pa rin ang prayoridad sa vaccination.
Ang pahayag ng DOH ay kasunod sa sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na maaaring maumpisahan ang pagbakuna sa mga batang may edad 12-17 sa Setyembre ngunit depende pa rin sa suplay na darating.