MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng karagdagang 41 Alpha variant cases, kaya’t umakyat na ngayon sa 2,232 ang total Alpha variant cases sa bansa.
Sa mga bagong kaso, 38 ang local cases, isa ang ROF case, at dalawa ang inaalam pa kung local o ROF case.
“Based on the case line list, two cases have died, 36 cases have been tagged as recovered, and three cases have outcomes that are being verified,” anang ulat.
Lumitaw rin umano sa beripikasyon na ang dalawang Alpha variant cases na unang na-tagged sa NCR noong Agosto 4 ay Beta variant cases pala.
Bilang karagdagan, isang Alpha variant case na sinuri sa isang COVID-19 laboratory ay mayroong dalawang sample na kapwa naisailalim sa sequencing habang isa pang sample ng Alpha variant case na dalawang ulit ring na-sequenced ang nakitaan ng kaparehong resulta.
“Correcting for all these resulted in a reduction of four cases from the total case counts for the Alpha variant,” anang ulat.
Sa karagdagan namang 66 Beta variant cases, nabatid na 56 ang local cases at 10 ang bineberipika pa kung local o ROF cases.
Base sa case line list, dalawang kaso ang namatay na, 63 ang na-tagged bilang recovered, at isa ang hindi pa batid ang kinahinatnan.