MANILA, Philippines — Tumataginting na P5.4 bilyong piso ang nakolekta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) mula noong 2016 hanggang 2018 lamang, para gastusin sa kanilang paghahasik ng terorismo sa bansa at pasaganain ang pamumuhay ng kanilang mga lider.
Ito ang isiniwalat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa regular na ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan ibinunyag ng ahensya na malaking bulto ng pondo ay nanggaling sa mga donasyon ng mga banyagang organisasyon na naloko ng mga teroristang-komunista gamit ang mga usapin sa karapatang pantao at umano’y pang-aabuso sa mga Indigenous People o mga katutubo.
“Malambot ang puso ng mga foreign donor,” ang pahayag ni NICA Director General Alex Paul Monteagudo. Ngunit hindi na magamit ng CPP-NPA-NDF ang ganitong modus sa bansa dahil mulat na ang mga Pilipino sa kanilang mga panloloko,” wika ni Monteagudo.
Habang ang ibang pondo naman ay nanggaling naman umano sa kinokolektang Rebolusyunaryong Buwis Ukol sa Kaaway na Uri (RBUKU) o rebolusyunaryong buwis na kinikil ng grupo sa mga negosyanteng nasa malayo at liblib na lugar.
Naniniwala ang NTF-ELCAC na kung susumahin, mas doble pa rito ang nakolekta ng komunistang-terorista sa loob ng maraming taon mula sa mga nauuto sa abroad at mga kinokotongang negosyo sa bansa.
Bukod sa terorismo, ang pondo ang siyang ginagamit ng mga lider ng komunistang-terorista sa kanilang marangyang pamumuhay gaya ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA na gaya ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ay nagagawang pag-aralin ang kanyang anak sa bansang Poland gamit ang nakolektang pondo.