Mas mahigpit na restrictions sa Davao City, ipatupad — OCTA
MANILA, Philippines — Hiniling ng OCTA Research Group na ilagay sa mahigpit na restrictions ang Davao City dahil sa pitong linggo nang nangunguna sa may pinakamataas na COVID-19 cases sa bansa.
Ayon sa datos ng Department of Health (DoH), simula Hunyo 7 hanggang Hulyo 19 ay nakakapagtala ang Davao City ng pinakamataas na naitatalang kaso araw-araw kumpara sa iba pang high-risk cities na kinabibilangan ng Cebu, Bacolod, Iloilo, Makati, Cagayan de Oro, Baguio, General Santos, Laoag, Lapu-Lapu, at Butuan.
Ayon kay Octa Research Fellow Ranjit Rye, ang 7 Linggo na dire-diretsong mataas ang kaso ng COVID cases ng Davao ay indikasyon na hindi gumagana ang stratehiyang ipinatutupad kaya dapat itong baguhin at maglatag ng bagong polisiya.
Ani Rye, hindi nila inirerekomenda ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) bagkus ay General Community Quarantine(GCQ) na mas “upscale” ang restrictions at kanila na umanong ipinauubaya ang desisyon na ito kay Davao City Mayor Sara Duterte upang mabilis na mapababa ang kaso.
Giit ni Rye, ang Davao ang epicenter sa Mindanao kaya naman unang dapat na tutukan ang mga kaso sa siyudad lalo at hindi biro na walang pagbaba sa daily cases na naitatala.
Noong June 5 hanggang June 20 ay isinailalim sa MECQ ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the management of emerging infectious diseases ang Davao City subalit kung titignan ang datos ng DOH ay tumaas pa ang infections sa halip na bumaba kumpara sa Iloilo City at Cebu City na nagkaroon ng biglaang pagbaba sa kanilang kaso nang mailagay sa MECQ.
- Latest