MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Metro Manila mayors ang posibilidad na puwede nang gumala ang mga batang 5-anyos pataas sa mga open spaces at ilang establisimyento na may “heightened restrictions”.
Nabatid na magpupulong ngayong araw, Linggo ang mga alkalde para pag-usapan ang patakarang pagpapahintulot na makalabas ng bahay ang 5-anyos pataas sa kabila ng nararanasang pandemya.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque noong Biyernes na sa patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ipatutupad ito sa ilang lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ), subalit hindi sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ na may heightened restrictions na kinabibilangan ng Laguna at Cavite.
Ani Roque, ang mga kabataang may edad 5 pataas ay maaari lamang magtungo sa ilang lugar subalit sila ay dapat may kasamang matatanda. Kabilang sa lugar ang beach, park, playground, outdoor tourism areas, biking at hiking trails.
Kabilang ang NCR sa nasa ilalim pa ng GCQ hanggang Hulyo 15, 2021.
Sa bagong polisiya ng IATF, maaari nang magtungo sa “outdoor non-contact sports” at kumain sa mga “alfresco dining establishments”.
Gayunman, ang mga malls ay patuloy pa rin sa pagpapa-iral ng patakaran na hindi maaaring makapasok ang mga may edad na mas bata sa 15 at patuloy ang pagtugon sa health protocols.