MANILA, Philippines — Sinabi ng Department of Health na base sa isinapublikong pag-aaral ng US-based journal ay hindi umano epektibo ang Ivermectin panggamot sa COVID-19.
Ayon sa Clinical Infectious Diseases, ang official publication ng Infectious Diseases Society of America na ang Ivermectin ay hindi “viable option” panggamot sa COVID-19 patients.
Nakasaad sa kanilang konklusyon na “in comparison to SOC (standard of care) or placebo, IVM (ivermectin) did not reduce all-cause mortality, length of stay or viral clearance in RCTs (randomized controlled trials) in COVID-19 patients with mostly mild disease.”
“IVM did not have an effect on AEs (adverse events) or severe AEs. IVM is not a viable option to treat COVID-19 patients,” dagdag pa sa pag-aaral na isinapubliko noong Hunyo 28.
Kaya’t giniit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat suportado ng siyensya ang mga ginagawang pagtugon laban sa COVID-19.
“Kung makikita natin na ang isang gamit ay magiging epektibo para sa COVID-19, hinding-hindi natin pipigilan ang paggamit nito sa ating populasyon. Pero kailangan maintindihan din ng ating mga kababayan na ang Kagawaran ng Kalusugan at ang gobyerno ay mayroong responsibilidad para maprotektahan natin ang ating populasyon,” aniya sa isang online media briefing.