Bulkang Taal, patuloy na nag-aalburoto

Ayon sa Phivolcs, sa nakalipas na 24 oras, ay nakapagtala ang Taal Volcano Network ng 31 low frequency volcanic earthquakes, at low-level background tremor na naitala simula pa noong Abril 8, 2021.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Nanatili pa rin sa alert level 3 ang Bulkang Taal dahil sa patuloy pa rin sa pag-aalburoto nito, batay sa pinakahuling abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.

Ayon sa Phivolcs, sa nakalipas na 24 oras, ay nakapagtala ang Taal Volcano Network ng 31 low frequency volcanic earthquakes, at low-level background tremor na naitala simula pa noong Abril 8, 2021.

Ibinuga rin anila ng Main Crater ang mataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide gas at steam-rich plumes na may taas na 2,500 metro bago napadpad patungong timog, timog-kanluran.

Ang pagbuga naman ng sulfur dioxide (SO2) ay humigit-kumulang 14,699 tonelada kada araw noong Hulyo 3, 2021.

Mayroon din anilang vog na namataan sa kalak­hang Taal habang ang sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring ay nakakapagtala ng marahan na pag-impis ng Taal Volcano Island simula noong Abril 2021, samantalang ang kalakhang Taal ay nakakaranas ng marahang paglawak simula noong 2020.

Pinaalalahanan din ng DOST-PHIVOLCS ang publiko na ang Taal Volcano Island (TVI) ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa TVI at high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel, sa Batangas, dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.

Lahat anila ng mga akti­bidad sa Taal Lake ay dapat ipagbabawal sa ngayon.

Pinapayuhan din ng Phivolcs ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at mag-iingat dahil sa posibleng ashfall at vog at maging la­ging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.

Pinaalalahanan din nito ang mga may-katungkulan sa civil aviation na hikayatin ang mga piloto na iwasan munang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa nagli­lipanang abo, umiitsang bato, at pyroclastic density currents tulad ng base surge na maaaring makaapekto sa aircraft na idudulot ng posibleng biglaang pagputok ng bulkan.

Show comments