MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Taal Volcano, ipinatupad na ng Police Regional Office-4A (PRO4A) ang forced evacuation sa limang barangay sa Batangas.
Ayon kay PRO-4A chief Police Brigadier General Eliseo Cruz, ang limang lugar na tinukoy ay kinabibilangan ng Barangays Gulod, Buso Buso, at Lakeshore Bugaan East sa Laurel, at Banyaga at Bilibinwang sa bayan ng Agoncillo.
Sinabi ni Cruz na protocol ito sa sitwasyon ng Bulkang Taal kung saan napagkasunduan din kasama ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 4-A.
Aniya, hindi maaaring ipagwalang bahala ang aktibidad ng bulkan na maaaring sumabog ito ng mas malakas.
Ilan pa sa mga barangay na apektado ay ang Poblacion at Sinturisan sa San Nicolas; Apacay sa Taal; Luyos at Boot sa Tanauan City; at San Sebastian sa Balete.
Inatasan din ni Cruz ang Batangas Provincial Police Office na alalayan at tulungan ang mga apektadong police station upang matiyak ang seguridad sa mga evacuation centers habang ipinatutupad ang health protocols laban sa COVID-19 pandemic.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang Laguna at Cavite Porvincial Police Offices (PPOs) na pagbawalan ang pagpapapasok ng mga turista lalo na sa Tagaytay upang maiwasang makadagdag pa sa sitwasyon.