Mas malakas na pagsabog sa Taal Volcano nakaamba

Ayon sa Philippine Ins­titute of Volcanology and Seismology (Philvocs), ka­hit sumabog na ang Bulkang Taal, may posibilidad na magkaroon pa ito ng mas malakas na pagsabog.
PHIVOLCS/Released

MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng mas malakas na pagsabog ang Taal volcano kasunod ng naganap na pagsabog nito kamakalawa kaya inilagay sa alert level 3 ang status ng bulkan.

Ayon sa Philippine Ins­titute of Volcanology and Seismology (Philvocs), ka­hit sumabog na ang Bulkang Taal, may posibilidad na magkaroon pa ito ng mas malakas na pagsabog.

Gayunman, nilinaw ni Philvocs Director Re­nato Solidum Jr. na kung sasabog man muli ang bulkan ay hindi na ito magiging kasinglakas noong nakaraang taon.
“Sumasabog na po ang Taal Volcano, kung ang tanong po ay mas malakas, nandiyan po iyong posibilidad. Pero nga, dahil nga, de-gassed na po ang magma sa mas mababaw na parte, hindi po namin inaasahan na ka­sing lakas noong last year na mabilis na umakyat ang magma na maraming gas, kaya malakas ang pagsabog,­” ani Solidum sa Laging Handa online press briefing.
Ipinaliwanag pa ni Solidum na kapag nagkaroon ng bagong suplay ng magma na galing sa mas malalim na parte ng bulkan, posible pa ring magkaroon ng mas ma­lakas na pagsabog kum­para sa nangyari kamakalawa.

Sa nakalipas na 24 oras, nasa 29 volcanic earthquakes o mga pagyanig ang naitala sa Taal volcano at nananatili ito sa alert level 3.

Sa bulletin na ipinalabas ng Philvolcs, alas-8 ng umaga, kabilang sa mga pagyanig ay isang explosive–type na paglindol, 22 low frequency ng volcanic earthquakes at dalawang volcanic tremors na tumagal ng 3 minuto. Nagkaroon din ng low-level tre­mors sa palibot ng bulkan. - Joy Cantos, Angie dela Cruz

Show comments