Pangulong Aquino ililibing ngayon

Pangulong Duterte idineklara ang 10 Day of National Mourning
MANILA, Philippines — Nakatakdang ilibing ngayong araw si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Isang funeral mass ang idaraos sa ganap na alas-10:00 ng umaga sa Church of the Gesu sa Ateneo De Manila University sa Quezon City na pangungunahan ni Archbishop Socrates Villegas.
Pagkatapos ng misa ay agad na dadalhin ang urn ni Aquino sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque kung saan ito ililibing sa kalapit na puntod ng kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ang convoy na maghahatid sa urn ng dating pangulo ay daraan sa C5 patungo sa SLEX kung saan maaaring mag-abang ang mga mamamayan na nagnanais magbigay ng kanilang huling respeto sa yumaong dating pangulo.
Hinihiling ng pamilya Aquino na sundin ng mga gustong sumaksi sa pagdaan ng convoy ang tamang health protocols.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang pamilya Aquino sa lahat ng mga nakidalamhati sa kanila.
Si Aquino ay pumanaw noong Hunyo 24 dahil sa sakit sa kidney sanhi ng diabetes.
Idineklara kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 10 araw na pagluluksa ng bansa dahil sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ang “Period of National Mourning” ay iiral mula Hunyo 24, 2021 ang araw nang pagkamatay ni Aquino hanggang Hulyo 4, 2021.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang mga bandila ay ilalagay sa half-mast mula pagsikat hanggang paglubog ng araw sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.
Related video:
- Latest