MANILA, Philippines — Tatlong piloto at tatlong airmen ng Philippine Airforce na sakay ng S-70i Black Hawk Utility Helicopter ang nasawi nang bumagsak ang kanilang chopper malapit sa Crow Valley, Capas, Tarlac, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Colonel Ernesto Rabina na nakabase sa Airbase ng Tarlac na ang bagong biling chopper ay nagsasagawa ng night flight training exercise nang maganap ang aksidente.
Ayon sa ipinadalang official statement ng PAF na ibinigay sa Northern Luzon Command, naiulat na ang helicopter ay hindi nakarating sa takdang oras sa kanyang station Clark Air Base, Pampanga.
Hindi pa pinangangalanan ang mga nasawi sa aksidente dahil inuuna pang kontakin ang kanilang mga pamilya.
Anila, ang night flight training ay sadyang delikado, pero kailangang pagsanayan ng mga piloto.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa pamilya ng tatlong nasawing piloto at tatlong airmen.
Pansamantala munang hindi ipapagamit ang lahat ng Blackhawk chopper habang isinagawa ang imbestigasyon.- Doris Franche