16-anyos binatilyo,1 pa todas sa police ops
MANILA, Philippines — Isang 16-anyos na binatilyo at kasama ang napatay nang manlaban umano ang mga ito sa pulis na maghahain sa kanila ng search warrant, kamakalawa ng gabi sa Biñan City, Laguna.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jhondy Maglinte Helis; at Antonio Castillo Dalit.
Ayon sa report, nagtungo ang mga pulis sa bahay ng mga biktima upang ihain ang search warrant dahil sa ang mga ito umano ay nagbebenta ng ipinagbabawal na droga at wanted umano ang dalawa.
Subalit, nanlaban umano ang dalawang biktima at bumunot ng baril kaya’t pinagbabaril sila ng mga pulis.
Nakuha mula kina Helis at Dalit ang 13 piraso ng medium plastic sachets na naglalaman ng shabu na may timbang na 50 grams at nagkakahalaga ng P340,000; dalawang caliber ng 38 revolvers; P3,500 cash; digital weighing scale, at Illegal drug paraphernalia.
Hindi naman naniniwala ang tiyahin ng biktima na si Nylla Maglinte na nanlaban ang pamangkin dahil ilang saksi ang nagsabi na nakaposas at nagmamakaawa ang pamangkin na huwag siyang patayin, subalit binaril pa rin ang mga biktima.
“Justice lang hiningi ko para sa pamangkin ko. Kung may mali man siya or wala hindi dapat pinatay nila. Nagmamakaawa sa kanila binaril pa rin nila nang brutal,” ani Maglinte.
Sinabi naman ni Lt. Col. Chitaddel Gaoiran, spokesperson ng Police Regional Office-4A, iimbestigahan nila ang insidente.
“Actually po ay automatic pong may gagawing investigation ang Internal Affairs Service pag ganyan pong operasyon na may namatay para po malaman kung nasunod po ng mga pulis ang SOP at wala silang nalabag na procedure,” ani Gaoiran.
- Latest