Arestadong Ex-Maguindanao mayor patay sa ‘agaw baril’
MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad ang naarestong dating mayor sa lalawigan ng Maguindanao matapos umanong mang-agaw ng baril sa San Juan City habang ito ay ibinibiyahe patungo sa Camp Crame, kahapon ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Montasser Sabal, alyas Sabal, dating alkalde ng Talitay, Maguindanao, na nahaharap sa drug charges na tinukoy din bilang isa sa mga umano’y supplier ng mga baril at pampasabog sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nadala pa ang suspek sa San Juan Medical Center ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Batay sa ulat, si Sabal ay unang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang sakay ng Reyna de Luna 4 sa Port of Batangas, Batangas City, dakong alas-7:00 ng gabi matapos na makatanggap ng impormasyon na dadaong ito doon.
Bukod kay Sabal, naaresto rin sina Norayda Nandang, 43, house helper; Muhaliden Mukaram, 36, driver; Aika de Asis, 34, house helper; Ailyn Compania, 45, house helper; Zuharto Monico, 28, driver; at, Wilson Santos, 41, driver.
Nasamsam ng mga otoridad sa dalawang sasakyan ni Sabal puting Toyota Innova na may conduction sticker na SOU 770 at puting Nissan Navarra na may conduction sticker F1R917, na naglalaman ng iba’t ibang klaseng mataas na kalibre ng baril, mga bala, granada at mga shabu.
Kaagad naman ibiniyahe ng mga otoridad ang suspek patungo sa Camp Crame ngunit pagsapit sa area ng San Juan City ay bigla na lang nitong tinangkang agawin ang baril ng kanyang police escort na katabi niya sa upuan, dakong 5:20 ng madaling araw.
Nagawa pa umano ng suspek na barilin ang pulis na kanyang katabi, kaya’t napilitan ang mga otoridad na barilin ito, na nagresulta sa kamatayan nito.- Doris Franche
- Latest