MANILA, Philippines — Nakatakdang sampahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang walong kapitan ng barangay matapos na mabigong pigilan ang pagdaraos ng mass gatherings, na itinuturing na ‘super spreader events’, sa kani-kanilang nasasakupan at nagresulta upang magkaroon ng COVID-19 transmissions doon.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ang mga kakasuhang punong barangay ay sina Romeo Rivera ng Barangay 171, District II, Caloocan City; Ernan Perez ng Barangay San Jose, Navotas City; Facipico Jeronimo at Jaime Laurente ng Barangays 181 at 182 ng Gagalangin, Tondo, Manila; Marcial Lucas Palad ng Barangay Matiktik, Norzagaray, Bulacan; Jason Talipan at Jimmy Solano ng Barangay Balabag, Boracay Island at Barangay Sambiray, Malay, Aklan; at, Jessica Cadungong ng Barangay Kamputhaw, Cebu City.
Aniya, ang mga ito ay mahaharap sa mga kasong gross neglect of duty, negligence, serious misconduct, at paglabag sa Republic Act No. 11332 o mas kilala sa tawag na Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Sinabi ng kalihim na ang mga naturang punong barangay ay nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang tungkulin na magpatupad ng quarantine protocols sa super spreader events sa Gubat sa Ciudad incident sa Barangay 171, Caloocan City; recreational at resort operations sa San Jose, Navotas City; boxing matches sa Barangay 181 at 182 sa Tondo, Manila; Bakas River event sa Barangay Matiktik, Norzagaray, Bulacan; Barangay Balabag, Boracay Island at Barangay Sambiray, Malay, Aklan; at Club Holic Bar at Restaurant, sa Barangay Kamputhaw, Cebu City.