Pfizer COVID-19 vaccine ibigay sa mahihirap na komunidad— Duterte

Inumpisahan kahapon ng Marikina City Government ang pagturok ng Pfizer vaccine sa 1,500 katao kahapon na isinagawa sa Marikina Sports Club.
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipamahagi ang coronavirus vaccines na gawa ng Pfizer Inc. sa indigent population.

Nais ng Pangulo na ang American-made vaccines ay mapunta sa mahihirap na komunidad na mayroong “low vaccine take-up” at hindi sa mga shopping malls.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hangad ng Pangulo na mapalakas ang indigent population laban sa sakit.

“Ipinag-utos ng Pa­ngulo na ibigay ang Pfizer sa mahihirap o sa indigent population dahil ‘yan ang patakaran ng COVAX facility,” ayon kay Sec.Roque.

“Dagdag ng Presidente na ilagay ang Pfizer hindi sa mga malls kung hindi sa vaccination sites ng mga barangays kung saan mababa ang take-up ng vaccines. Ito ay ayon na rin sa unang direktiba ng Pangulo na mababakunahan ang Pilipino ng libre. Walang maiiwan,” dagdag na pahayag nito.

Ang huling direktiba ay ipinalabas kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. matapos na magpahayag ng pag-aalala ang Pangulo sa distancing protocol na nalabag dahil sa mahabang pila ng mga mamamayan na naghihintay na makatanggap ng Pfizer vaccines mula sa ilang local government units.

Nito lamang unang bahagi ng Mayo ay natanggap ng Pilipinas ang mahigit sa 190,000 bakuna na gawa ng American pharmaceutical giant sa ilalim ng World Health Organization-led COVAX facility.

Nag-order naman ang pamahalaan ng mas marami pang Pfizer vaccines para palakasin at paramihin ang suplay ng bansa.

Show comments