MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng National Task Force-West Philippine Sea na hindi kikilalanin sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang idineklara ng China na unilateral fishing ban sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa National Task Force-WPS, ang fishing ban na ipinatutupad ng China sa karagatang nasa hilagang bahagi ng 12th parallel, epektibo mula Mayo 1 hanggang Agosto ng taong ito ay “noted”.
Pero mariing tinututulan ng NTF-WPS ang pagpapatupad ng naturang ban sa karagatang nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Giit ni NTF-WPS Chairman Secretary Hermogenes Esperon, hindi kasama sa ban ang mga Pilipinong mangingisda sa karagatan ng bansa.
Hinimok naman ni Esperon ang mga lokal na mangingisda na ipagpatuloy lang ang kanilang paghahanapbuhay sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Nanindigan si Esperon na determinado ang NTF-WPS na palawigin ang maritime patrols ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang itaguyod ang soberanya at karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.