MANILA, Philippines — Boluntaryong sumuko sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson sa Maynila noong 2019.
Nabatid na inabisuhan ni Cam kamakalawa ng hapon ang PNP-CIDG hinggil sa kanyang pagsuko matapos na isyuhan ng warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court Branch 42.
Kasalukuyan munang naka-hospital arrest si Cam dahil sumasailalim ito sa medical treatment para sa ilang karamdaman na matagal na nitong iniinda.
Kaugnay nito, nanindigan din si Cam na inosente siya sa kasong ibinibintang laban sa kanya at tiniyak na handa siyang harapin ang kaso sa korte.
Nagpahayag din siya ng paniniwala na sa pamamagitan lamang ng court trial niya mapapatunayan na wala siyang kinalaman sa kasong pagpatay kay Yuson.
Nilinaw din ni Cam na hindi siya nagtatago subalit bago pa man ang inisyung arrest warrant ni Manila RTC Judge Dinnah Aguila-Topacio ay may dalawang linggo na itong naka-confine sa isang ospital sa Cavite dahil sa kanyang sakit sa kidney at diabetes.
Sa katunayan aniya, sa susunod na Linggo ay nakatakda din itong sumailalim sa isang operasyon sa kanyang lumbar spine, ang sakit na may ilan taon na niyang iniinda.
Ang lahat ng kanyang medical records ay naisumite na sa korte at sa PNP.
Paniniguro pa niya, matapos ang kanyang problemang pangkalusugan ay haharapin niya ang nasabing kaso. - Doris Franche