Isang nurse kada barangay
MANILA, Philippines — Para maayudahan ang lokal na pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 ay nanawagan kahapon ang grupong Filipino Nurses United (FNU) sa Department of Health (DOH) na mag-hire ng isang nurse kada barangay.
Idinagdag ni Jocelyn Andamo, secretary general ng FNU, na bagama’t tama ang layunin ng pagdaragdag ng mga isolation centers at COVID-19 beds, hindi naman nagdadagdag ang pamahalaan ng mga nurse na magtatao sa mga ito at sa mga pasyente.
“Ang panawagan namin nung isang taon pa po, dapat merong mass hiring na libu-libo. Ang recommendation namin 1 nurse sa bawat barangay. Kaya po yun, 42,000 nurses po sana nationwide,” giit ni Andamo.
Ngunit kailangan umanong tiyakin ng DOH ang sapat, proactive, makatao, tamang sahod, mga benepisyo at katiyakan na kapag nagkasakit ang isang nurse pati ang pamilya ay hindi mapapabayaan.
Nitong Abril 5, tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may sapat na pondo ang pamahalaan sa pagkuha ng dagdag na mga healthcare workers ngunit ang problema ay kakaunti ang nag-aaplay.
Nasa 7,000 HCWs na umano ang kanilang nakuha mula nang umpisahan nila ang “emergency hiring program” sa pag-uumpisa ng pandemya noong nakaraang taon.
- Latest