MANILA, Philippines — Naglaan si Manila Mayor Isko Moreno ng P200,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng isang motorcycle rider na nakunan ng video na inabutan ng bag na naglalaman ng baril na ginamit sa pamamaslang sa isang truck driver, sa Paco, Maynila, nitong Abril 19.
Ang rider ay isa umanong Alfredo Curita, 52-anyos, residente ng Barangay San Jose, Tiaong, Quezon.
Kaya’t nanawagan ang alkalde sa kaanak ni Curita na isurender na lang sa mga otoridad upang mabigyan ng pagkakataong idepensa ang sarili kaugnay sa pagpatay sa isang Elbert Silva, empleyado ng Quick Mover Cargo and Warehouse Corp., residente ng Paco, Maynila, noong Lunes, alas-8:00 ng umaga.
Batay sa closed circuit television recording makikita ang pagbaril sa likod ng ulo ni Silva habang naglalakad kasama ang ilang kasamahan sa trabaho sa Zulueta St.. Nagsitakbuhan papalayo ang mga kasamahan ng biktima sa takot na madamay habang kaswal na naglakad papalayo ang gunman na si Nestor Perez, 57-anyos na pagsapit sa panulukan ng Amadeo St., ay nakita ang nag-aabang na si Curita na kumuha sa gunman ng bag na naglalaman ng ginamit na baril, bago mabilis na linisan ang lugar.
Napansin ng mga nagpapatrulya ng Paz Police Community Precinct ang komosyon, habang binubugbog ng mga residente ang gunman kaya agad ding naaresto.