MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P65 milyong halaga ng mga puslit at pekeng face masks, respirators, counterfeit luxury items, lotions, creams, cosmetics, at electronic items sa isang warehouse sa Binondo, Manila ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC).
Nabatid na ang operasyon, na bahagi ng anti-smuggling campaign ng BOC, ay nagresulta rin sa pagkakumpiska ng mga smuggled medical supplies, kabilang na ang popular na Aidelai face masks, na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) para sa distribusyon sa bansa.
Ayon kay Alvin Enciso, chief ng Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port (CIIS-MICP), partikular silang nag-aalala hinggil sa smuggling ng mga pekeng face masks at respirators.
Pinamunuan ni Enciso ang operasyon ng bureau sa pakikipag-koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) matapos na matanggap ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na nilagdaan ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Nakipag-coordinate rin sila sa mga lokal na opisyal at mga pulis bago nagtungo sa storage facility, para isilbi ang LOA sa kinatawan ng warehouse nitong Miyerkules.