MANILA, Philippines — Nakahanda umanong bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte kung wala na siyang suporta mula sa military.
Ito ang naging pahayag ni Duterte sa gitna ng ugong na may grupo ng militar na nagbabalak bawiin ang suporta sa kanya.
“Kung tumindig lang ang Air Force head, ang Navy, Army, pati Police, kung tumindig kayo ngayon, aalis ako pagka-mayor. Uuwi ako sa ano. Ibig kong sabihin, I do not have the support of the military and so ganoon lang kasimple,” ani Duterte.
Sinabi rin ng Pangulo na sa tingin niya ay hindi kasali sa mga nag-iisip na magkaroon ng revolutionary government si Defense Secretary Delfin Lorenzana na katulad niya ay matanda na rin.
“Kagaya ni Delfin Lorenzana, he’s kagaya ko matanda na ako do you think that he would still tinker with the kung ano-anong mga revolutionary government, revolutionary government? Kalokohan ‘yan,” ani Duterte.
Idinagdag ni Duterte na “downhearted” siya dahil inaasahan niya na magtatrabaho ng mabuti ang militar.
Ikinuwento pa ni Duterte na matapos ang isang command confe-rence kasama ang mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines, may ibinigay sa kanyang dokumento si Lorenzana na “puro kabalastugan.”
Hindi naman isiniwalat ni Duterte kung ano ang laman ng dokumento at kung sino ang nasa likod nito.
Sinabi rin ni Duterte na hindi siya magtatrabaho sa isang lugar na hindi siya kailangan.