Sa first at second dose
MANILA, Philippines — Inihayag ni Sec. Francisco Duque na hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) na gumamit ng magkakaibang dose ng COVID-19 sa iisang tao.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on North Luzon Quadrangle na pinamumunuan ni 5th District Pangasinan Rep. Ramon Guico III, ipinaliwanag ni Duque na upang maging epektibo ang bakuna laban sa COVID-19 ay dapat na magkapareho ang brand ng bakuna na gagamitin sa 1st at 2nd dose na ituturok sa isang indibiduwal o pasyente.
Ang pahayag ni Duque ay bilang tugon nito matapos kuwestiyunin ng mga mambabatas ang bisa ng Sinovac at AstraZeneca vaccines na kasalukuyan nang ginagamit sa inoculation program ng pamahalaan.
Aniya, hindi puwedeng sa unang dose ay Sinovac COVID-19 vaccine at sa ikalawang dose naman ay AstraZeneca.
Inihayag din ng kalihim na walang sapat na data ang DOH para mabatid kung hanggang saan ang proteksyon na maaaring ibigay ng COVID-19 vaccine sa indibidwal na naturukan nito. Kailangan pa rin umanong alamin kung makapagbibigay ng proteksyon hanggang anim na buwan ang bakuna laban sa COVID-19. - Danilo Garcia