MANILA, Philippines — Ibinulgar ni AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., na ilang private hospitals ang umano’y hino-hostage ang “death certificates” ng mga pasyenteng namatay sa COVID-19 dahilan sa pagkakaantala ng pagbabayad ng PhilHealth sa malaking halaga ng bill ng mga ito habang nasa pagamutan.
Ang pagbubulgar na ito ni Garbin ay matapos na dumulog sa kanya ang isang pamilya ng namatay sa COVID-19 noon pang Abril 2020 na hindi mailibing ng maayos ang abo dahilan hindi ipinalalabas ng isang pribadong hospital sa National Capital Region (NCR) ang death certificate.
Kaya nanawagan si Garbin sa National Bureau of Investigation (NBI) na palawakin pa ang imbestigasyon sa aniya’y matinding virus ng korapsyon hindi lamang sa PhilHealth kundi sa mga kasabwat ng mga ito sa mapagsamantalang mga pribadong ospital.
Inihayag ni Garbin na naghihinala siya na ang polisiya sa pagpapalitan ng mga opisyal ng PhilHealth sa Regional at Field Offices nito ay walang silbi dahilan posibleng nagpapatuloy pa rin ang korapsyon gamit ang parehong teknika.