Espenido, 2 pa nagpiyansa sa kasong homicide
MANILA, Philippines — Nagpiyansa ang kontrobersiyal na pulis na si Police Lt. Col Jovie Espenido at dalawa nitong opisyal na akusado sa kasong 6 counts of homicide.
Ayon kay Espenido, P240,000 ang piyansa niya kasama sina Police Executive MSgt. Renato Martir Jr. at Police Cpl. Sandra Louise Bernadette Bantilan na kanyang dating mga tauhan.
Nitong Martes, boluntaryo silang sumuko sa Ozamiz City Police Station matapos maglabas ang Department of Justice ng warrant of arrest dahil sa kasong 6 counts ng homicide, base sa isinampang reklamo ng isang Carmelita Manzano noong 2018.
Pinatay umano ng tatlong akusado ang mister ni Carmelita na si Fancracio; anak na si Jerry; live-in partner ng kaniyang anak na si Victorino Mira Jr.; pamangkin na si Lito Manisan; live-in partner ng kanyang pamangkin na si Romeo Libaton; at isa pang Alvin Lapeña sa ginawang raid noong Hunyo 1, 2017 sa Barangay Cabinti.
Giit naman ni Espenido, kilalang mga tauhan ng pamilyang Parojinog at miyembro ng Martilyo Gang ang mga napatay na mga suspek.
Si Espenido ay isa mga kontrobersiyal na mga pulis sa kasagsagan ng drug war ng administrasyong Duterte.
- Latest