MANILA, Philippines — Naaprubahan na sa Kamara ang House Bill 8817 o ‘Freelance Workers Protection Act,’ na akda ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda.
Umani ng 195 boto ang HB 8817 at wala ni isa mang tumutol o hindi bumoto na ang layunin ng panukalang batas na magkaroon ng legal na kontrata at proteksiyon ang mga ‘freelance workers’ gaya ng mga ‘content writers’ taga-sining at mga ‘wedding planners’ o taga-balangkas ng kasal.
Wala sa umiiral na Labor Code ang ‘freelancing’ at walang legal na balangkas para sa mga ‘freelancers” na tumutukoy sa mga manggagawang nagtatrabaho ng walang personal na pagsubaybay ang mga humihirang sa kanila.
Bago pa ang pandemyang Covid-19, mga 1.5 milyon na diumano ang bilang nila na bigla pang lumobo dahil sa pandemya.
“Kung magiging batas ay magkakaroon ng proteksiyong legal at kontrata, at kapatawaran sa mga hindi nila binayarang buwis ang mga ‘freelancers’ na dapat legal na magparehistro rin sa BIR,” pahayag ni Salceda.