MANILA, Philippines — Mas hinigpitan ng PNP ang mga checkpoints sa mga boundaries kaya’t hindi na pinapayagan ang mga hindi “essential worker” na nais lumabas at pumasok sa Metro Manila.
Ito ang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson BGen. Ildebrandi Usana, dahil nasa NCR ang outbreak ng Covid-19 virus kaya’t minarapat ng national government na lakihan ang spread ng boundaries.
Layon nito na malimitahan ang paglabas-masok ng publiko sa Metro Manila para maiwasan ang pagtaas pa ng kaso ng virus.
Sa ngayon ang pinapayagan na pumasok sa Metro Manila ay ang mga essential workers lamang o yung mga authorized persons outside residence (APOR) kasama na dito ang mga delivery goods and services.
Walang travel restrictions sa NCR, Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna dahil ikinukunsidera ang mga ito na one bubble, NCR+.
May mga checkpoints nang itinalaga sa loob at labas ng mga boundaries at ang mga hindi essential workers ay hindi maaaring makapasok ng Metro Manila.
Ayon kay Usana, sa dalawang linggo ipatutupad ng PNP ang ganitong set-up kaya hindi puwedeng makalabas ang sinuman sa NCR maliban na lamang kung mayroong maipakitang ID na isa itong essential workers.
Paalala ng PNP, may umiiral pa ring curfew hours kaya kung nais bumiyahe mula NCR patungong Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan dapat gawin ito sa umaga o hapon ng sa gayon hindi masita sa mga checkpoints.