MANILA, Philippines — Mistulang nag-drive thru sa bangko ang isang SUV matapos na aksidenteng mang-araro na ikinasugat ng isang empleyado sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Aireem Marco, 44, office staff ng Landbank of the Philippines at residente ng Meycauayan, Bulacan na dinala sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong mga sugat sa katawan.
Nasa kustodiya ng pulisya ang driver na si Esther Peralta, nasa hustong gulang, isang doktor at residente ng San Bartolome, Novaliches, Quezon City, ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damages to property with physical injuries sa piskalya.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 6, bago naganap ang insidente, alas-8:05 ng umaga sa parking area ng nasabing bangko, na matatagpuan sa EDSA Northbound, Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.
Minamaneho ni Peralta ang kanyang Mitsubishi Montero na may plakang UIA-898 sa parking area ng naturang bangko nang aksidenteng maapakan umano nito ang accelerator sanhi upang umarangkada ito at pumasok sa bangko at napinsala ang bahagi ng bangko na ikinasugat ni Marco.