MANILA, Philippines — Suportado nina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson ang plano na muling magpakalat ng mga pulis at sundalo sa iba’t ibang lugar para magpatupad ng quarantine minimum health standards sa gitna ng pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Ayon kay Sotto, dapat na pagtiwalaan kung ito ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sila ang nakakaalam ng buong sitwasyon at mga statistics.
Para naman kay Lacson, kita naman ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at makatuwiran lang na gamitin ng gobyerno ang police power nito para masiguro na maaagapan at masawata ang pagkalat ng virus.
Iginiit pa ni Lacson na nasa ilalim pa rin ng public health emergency ang bansa base sa Proclamation No. 922 ni Pangulong Duterte at naghihikahos pa rin ang Pilipinas para makarekober sa epekto ng pandemya. Aniya, dapat makipagtulungan ang mga sibilyan sa mga kautusan at pagsunod sa tamang health protocols na siyang susi para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na ikinokonsidera ng Ehekutibo na mag-deploy ng mga sundalo at pulis para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng coronavirus sa bansa partikular na sa National Capital Region (NCR).